Alamat ng Ampalaya
October 01, 2009
Tags:
Alamat
Noong araw, sa bayan ng sariwa naninirahan ang lahat ng uri ng gulay na may kanya-kanyang kagandahang taglay. Si Kalabasa na may kakaibang tamis, si Kamatis na may asim at malasutlang kutis,si Luya na may anghang, si Labanos na sobra ang kaputian, si Talong na may lilang balat, luntiang pisngi ni Mustasa, si Singkamas na may kakaibang lutong na taglay,si Sibuyas na may manipis na balat, at si patolan na may gaspang na kaakit-akit. Subalit may isan gulay na umusbong na kakaiba ang anyo, sya si Ampalaya na may maputlang maputlang kulay, at ang kanyang lasang taglay ay di maipaliwanag.
Araw araw, walang ginawa si Amplaya kung hindi ikumpara ang kanyan itsura at lasa sa kapwa niya gulay, at dahil dito ay nagbalak sya ng masama sa kapwa nyang mga gulay.
Nang sumapit ang gabi kinuha ni Ampalaya ang lahat ng magagandang katangian ng mga gulay at kanyan isinuot. Tuwang tuwa si Ampalaya dahil ang dating gulay na hindi pinapansin ngayon ay pinagkakaguluhan. Ngunit walang lihim na hindi nabubunyag, nagtipon tipon ang mga gulay na kanyang ninakawan at kanilang sinundan ang gulay na may gandang kakaiba at laking gulat nila ng makita nilang hinuhubad nito isa isa ang mga katangian na kanilang taglay, at laking gulat nila ng tumambad sa kanila si Ampalaya.
Nagalit ang mga gulay at kanilang iniharap si Ampalaya sa diwata ng lupain, sinumbong nila ang ginawang pagnanakaw ni Ampalya. Dahil dito, nagalit ang diwata at lahat ng magagandang katangian na kinuha ni Ampalaya ay kanyang ibinalik dito at laking tuwa ni Ampalaya dahil inisip niya na iyon lamang pala ang kabayaran sa ginawa niyang kasalanan, ngunit makalipas ang ilang sandali ay nag iba ang kanyang anyo. Ang balat nya ay kumulubot dahil ang kinis at gaspang na taglay ni upo at kamatis ay nag-away sa loob ng kanyang katawan,maging ang mga ibat ibang lasa ng gulay ay naghatid ng di magandang panlasa sa kanya at pait ang dinulot nito, at ang kanyang kulay ay naging madilim. Mula noon magpahanggang ngayon ang luntiang gulay na si Ampalaya ay hindi pa rin magustuhan dahil sa pait niyang lasa.