Alamat ng Cainta



Ang Cainta ay isang bayan sa lalawigan ng Rizal. Noong unang panahon, may isang babae na kilalang-kilala ditto dahil sa magaganda niyang katangian. Mayaman, maganda, mabait at matulungin. Ang pangalan niya’y Jacinta.

Ugali na niya ang tumulong sa kapwa. Nililimusan niya ang bawat pulubing lumalapit sa kaniya. Iniimbitahan pa nya ang mga ito upang kumain sa kanila. Mahilig din siyang makipaglaro sa mga mahihirap na bata. Ano mang laruan na magustuhan ng mga ito na hindi rin makasasama sa mga bata ay kanyang ipinagkakaloob sa mga ito. Hanggang sa kanyang pagdadalaga ay dala pa rin ni Jacinta ang magagandang katangiang ito.

Si Jacinta ay madasalin. At kung araw ng lingo siya ay nasa simbahan. Nagpapamigay din siya ng mga regalo sa mahihirap pagkatapos ng misa. Dahil sa kanyang kabaitan, biniyayaan siya ng Diyos ng magandang kapalaran sa pag-ibig. Naging kasintahan niya ang kanyang kababata na isa ring mabuting tao.

Mabait at maunawain din ang kanyang nobyo. Sa kasamaang palad ay nagkasakit ang lalaki at namatay.

Mula noon ay wala ng pag-ibig na nagpatibok sa puso ni Jacinta kaya siya ay naging isang matandang dalaga. Nang mamatay ang kanyang mga magulang, ginugol na lamang niya ang kanyang panahon sa pagtulong sa kapwa at sa mga nangangailangan.

Napamahal nang husto si Jacinta sa mga kanayon niya. Bilang pangalan ay tinawag siya ng mga ito sa pangalang Ka Inta na ang kahulugan ay “kaligtasan ng mga nangangailangan”.

Naging kaugalian na ng mga tao na dumalaw sa kanya tuwing Pasko.

Isang araw ng Pasko ay laking pagtataka ng mga tao na walang sumasagot sa kanilang pagkatok. Sumilip sila sa bintana at nagulat sila ng makita nilang nakahandusay sa sahig si Ka Inta at wala ng buhay. Nalungkot at nagluksa ang mga tao sa paglisan ng isang mabuting tao na si Ka Inta.

Ang kamatayan ni Ka Inta ay kumalat na parang apoy at ipinagdasal ng mga tao ang katahimikan ng kanyang kaluluwa. Bilang paggalang sa kadakilaan ni Jacinta, ang kanilang lugar ay tinawag nilang Kainta na ngayo’y tinawag na Cainta.
Previous Post
Next Post
Related Posts