Alamat ng Olongapo
October 01, 2009
Tags:
Alamat
Noong araw ay may isang binatang mag-isang namumuhay sa malawak niyang bukirin. Marami ang tumutulong sa kanya gaya rin ng pagtulong niya sa kapwa. Kinagigiliwan siya at iginagalang ng mga kabataan. Katunayan ay tinatawag siyang Apo ng mga ito. Ang tunay niyang pangalan ay Dodong.
Hindi kalayuan sa lupain ni Dodong ay may nakatirang isang dalagang mayumi at maganda. Mahaba at mabango ang kanyang buhok. Marami ang nabibighani sa kagandahan ni Perla. Matagal na silang magkakilala ngunit walang puwang sa puso ng binata si Perla dahil na rin sa agwat ng kanilang edad.
Lumipat ng tirahan sina Perla at ang kanyang mga magulang. Hindi rin sila nagkikita ni Dodong.
Isang hapon, hindi sinasadyang nakasalubong sina Dodong at Perla. Noon lang napansin ng lalaki ang iwing ganda ng babae. Binati ni Dodong si Perla at inalok na ihatid ang dalaga. Pinaunlakan naman siya ni Perla.
"Tatang, narito po si Apo. Dadalaw po siya sa inyo ni Nanang," ang masayang bungad ni Perla pagsapit sa kanila.
"Aba, Dodong! Mabuti naman at napasyal ka rito sa amin," ang masayang bati ng ama ni Perla.
"Kumusta po kayo? Nahihiya po ako at hindi na ako nakatulong sa bayanihan dito sa inyo," magalang na tugon ni Dudong.
"Naku, eh, huwag mong alalahanin iyon. Alam kong solo kang namumuhay at iniuukol mo sa bukid ang iyong panahon. Pasabihan mo na lang kami kung kailangan mo naman ng tulong sa iyong bukid," ang amuki ng tatang ni Perla.
"Marami pong salamat. Hayaan po ninyo at tuwing Sabado ay dadalaw ako para makatulong din ako sa inyo," tugon ng binata.
Simula noon ay madalas nang nagkikita sina Dodong at Perla. Naging daan iyon upang magkalapit ang kanilang damdamin. Hindi naman ito pinigilan ng mga magulang ng dalaga dahil gusto nila si Dodong para sa anak.
Minsan, isang malaking bangka ang dumaong sa may baybay-dagat. Lulan nito ay mga lasing na Kastila. Nakita nila si Perla. Tinanong nila ang dalaga. Hindi naintindihan ni Perla ang salita ng lasing ng Kastila kaya ngumiti na lang siya. Akala ng Kastila ay pumayag si Perla sa gusto nito kaya niyapos at hinalikan ang dalaga. Sumigaw si Perla at humingi ng saklolo.
May mga tumawag kay Apo at ibinalita ang pambabastos kay Perla. Nagdilim ang paningin ni Dodong. Sinugod niya ang mga Kastila at walang patumanggang nilabanan ang mga ito. Sa kasamaang palad ay napatay si Dodong. Upang huwag pamarisan ay pinutulan nila ng ulo si Dodong. Isinabit nila ang ulo nito sa isang tulos ng kawayan.
"Ulo ng Apo! Ulo ng Apo!" ang sigawan ng mga bata.
Akala ng mga Kastila ay Ulo ng Apo ang pangalan ng pook na iyon. Sa kauulit ng salitang "Ulo ng Apo," naging Olongapo ito. Magmula noon ang pook na iyon ay tinawag nilang Olongapo, ang pinakapusod at pinakamakulay na bahagi ng Zambales.