Ang Kataksilan Ni Sinogo

MARAMING MARAMING taon sa nakaraan, nuong si Maguayan pa ang panginuon sa dagat, at ang mapusok na Kaptan ang naghahagis ng kidlat mula sa kanyang kaharian sa langit, pulos mga halimaw ang lumalangoy sa tubig at lumilipad sa himpapawid. Malalaki ang ipin at matatalas ang kuko ng mga halimaw

sa himpapawid. Subalit kahit ano ang bangis nila, sama-sama silang nabubuhay nang tahimik dahil takot sila sa galit at lupit ni Kaptan. Kaiba ang lagay sa dagat sapagkat dambuhala (higantes, giants) ang mga halimaw na lumalangoy at malakas ang luob nila sa kanilang laki at lakas. Pati si Maguayan ay sindak sa kanilang laki at dahas kaya hindi siya sinunod, ni hindi iginalang ng mga halimaw. Balisa araw-araw si Maguayan na baka siya ang balingan ng mga ito.

Sa wakas, nawalan siya ng pag-asa at humingi ng tulong kay Kaptan. Inutusan ng diwata ng langit ang mga pinaka-matulin niyang mga tagahayag (escuderos, messengers) na tawagin lahat ng mga halimaw upang magpulong sa isang munting pulo ng Kaweli, sa gitna ng dagat ng Sulu, sa lalong madaling panahon. Agad namang nagdatingan ang mga halimaw hanggang nagdilim ang langit sa dami ng mga lumilipad, at kumulo ang dagat sa
dami ng mga lumalangoy.

May mga dambuhalang buaya mula Mindanao, mababangis na tikbalang mula Luzon, mga ligaw na sigbin mula Negros at Bohol, daan-daan ng mga ungloks mula Panay at Leyte, malalaking uwak-uwak at iba pang nakakatakot na halimaw - lahat ay nagsiksikan sa munting pulo na halos natakpan sa dami nila. Nakaka-bingi, tilian at hiyawan silang lahat habang hinihintay ang atas nina Kaptan at Maguayan mula sa kanilang gintong luklukan (trono, throne).

Pagtagal-tagal, itinaas ni Kaptan ang isa niyang bisig (brazo, arm) at biglang tumahimik lahat ng halimaw. Nuon hinayag ni Kaptan ang kanyang utos. Si Maguayan ay kapwa niya diwata, sabi ni Kaptan, at dapat siyang igalang ng mga halimaw tulad ng paggalang na inilalaan sa kanya. Inutos niya sa lahat na sumunod at igalang si Maguayan.


“Hahagisan ko ng kidlat at papatayin,” babala ni Kaptan, “ang sinumang sumuway sa utos kong ito.”

Pina-uwi na niya ang mga halimaw at muling puma-ilanglang ang mga tili at hiyawan nang sabay-sabay at mabilis nag-alisan ang mga mababangis na nilalang. Dagli lamang, walang naiwan sa Kaweli maliban kina Kaptan at Maguayan, at ang 3 pinaka-matulin sa mga tagahayag - si Dalagan, ang pinaka-mabilis, si Gidala, ang pinaka-matapang, at si Sinogo, ang pinaka-makisig at pinaka-mahal ni Kaptan.

Silang 3 ay mga dambuhalang mala-diwata na may malalaking pakpak (alas, wings) kaya mabilis lumipad. May sandata silang mahahaba at matatalim na mga sibat (lancias, spears) at kampilan (espadas, swords) na walang kiming ginagamit nilang pamatay, sa utos ni Kaptan.

Nagpasalamat si Maguayan kay Kaptan. “Walang anuman,” tugon sa kanya, “tinupad ko lamang ang aking tungkulin sa isang kapatid.” Tapos, ibinigay ni Kaptan kay Maguayan ang isang gintong kabibi (almeja dorado, gold shell ). “May mahiwagang kapangyarihan ito, bulong niya kay Maguayan. Isubo mo lamang at ang anyo mo ay magbabago sa anumang naisin mo.” Kaya raw kung may mangahas na halimaw, kailangan lamang maging halimaw din siya, subalit mas malaki at mas mabangis, upang talunin at patayin ang pangahas!

Nagpasalamat uli si Maguayan at inilagay sa tabi niya ang gintong kabibi. Tapos, pinakuha ni Kaptan ng pagkain at inumin ang 3 tagahayag at, mabilis pa sa lintik (relampago, lightning), nag-piging na ang 2 diwata. Hindi nila napansin, nasa likod si Sinogo, narinig lahat ng ibinulong ni Kaptan at ibig ngayong makamit ang gintong kabibi. Kahit na marami na siyang tinanggap na biyaya (ventajas, favors) at karangalan (honors) mula kay Kaptan, ninais niya ang higit pang kapangyarihan. Maaari siyang maging tunay na diwata at mag-hari sa lupa, at magtago upang hindi maparusahan ni Kaptan. Kaya paghain niya ng pagkain kay Maguayan, lihim niyang dinampot ang kabibi. Tapos, tahimik siyang tumalilis.

Matagal bago namalayang wala si Sinogo, at ipinahanap siya ni Kaptan kay Dalagan. Kasing bilis ng lintik, bumalik si Dalagan at hinayag na wala na sa pulo si Sinogo. Nataon namang napansin ni Maguayan na naglaho ang gintong kabibi kaya nahulaan ni Kaptan na ninakaw ito ni Sinogo at tumakas. Sumisigaw sa galit, inutos ni Kaptan kina Dalagan at Gidala na habulin at bihagin ang talipandas.

“Papatayin ko siya!” sigaw ni Kaptan.

Agad at walang puknat na lumipad patungo sa hilaga (a norte, northward ) sina Dalagan at Gidala, at sa banda ng pulo ng Guimaras, namataan nila si Sinogo. Napansin din sila ni Sinogo na lalong minadali ang paglipad, subalit mas mabilis kaysa sa kanya ang mga humahabol, lalo na si Dalagan, kaya unti-unti siyang inabutan.

Humugot ng sandata sina Gidala, susunggaban na sana nila si Sinogo. Biglang isinubo ni Sinogo ang gintong kabibi at, sa isang kisap-mata, naging
dambuhalang buaya siya at sumisid sa dagat. Habol pa rin, pinagta-taga siya nina Dalagan at Gidala subalit hindi tumagos sa kapal at tigas ng balat ng buaya. Patuloy ang hagaran sa lusutang (estrecho, strait) Guimaras.

Sa kaskas ni Sinogo, at sa laki ng anyo niyang buaya, sumambulat ang tubig na dinaanan hanggang, pag-ikot sa dalampasigan ng Negros, natakpan ng tubig ang munting pulo ng Bacabac, binakbak ang mga bundok duon at naging pantay ang lupa sa dagat.

Papunta na sa pulo ng Bantayan ang habulan nang biglang lumihis si Sinogo at sumingit sa makitid na pagitan ng Negros at Cebu. Iniwan ni Dalagan si Gidala na humabol nang nag-iisa upang makabalik siya sa pulo ng Kaweli. Duon, ibinalita niya kina Kaptan at Maguayan kung saan lumalangoy si Sinogo bilang isang buaya. Natantiya ni Kaptan na matatambangan nila si Sinogo sa makitid na tubig. Lumipad siya pasilangan (a oriente, eastward) at tumatag sa
kabilang dulo ng tinatawag ngayong Tanon Strait, hawak ang isang malakas na kidlat.

Kaskas dumating si Sinogo, panay na tinataga pa rin ni Gidala, nang umalingawngaw ang malakas na kulog (trueno, thunder) at biglang tumama ang kidlat sa likod ng dambuhalang buaya. Tuluy-tuloy na lumubog si Sinogo na buaya, tulak-tulak ng kidlat hanggang bumaon ito sa lupa sa ilalim ng dagat.

Nakatuhog sa kidlat, hindi naka-alpas si Sinogo at sa pagpu-pumiglas niya, nailuwa niya ang gintong kabibi. Nahulog sana sa putik ang kabibi subalit sinalo ito ng isang isda, tapos dinala kay Kaptan. Samantala, nanatiling buwaya si Sinogo at patuloy na palag nang palag sa ilalim ng dagat.

Ang walang tigil na palag ni Sinogo na dambuhalang buaya ang sanhi ng mga ipu-ipu sa bahaging iyon ng Pilipinas, bahaging laging iniiwasan ng mga namamangka, sa takot nila sa panganib.
Previous Post
Next Post
Related Posts