MAGALING mangahoy si Magbangal at madalas siyang umaakyat sa isang bundok upang pumatay ng baboy damo na kinakain nila. Isang gabi, bandang panahon nang pagtatanim, at nag-isip nang matagal sa bahay si Magbangal bago tinawag ang asawa. “Bukas aakyat ako sa bundok mag-isa,” sabi niya paglapit ng asawa, “upang ihanda ang taniman.”
“Sasama ako,” sagot ng asawa, “para hindi ka nag-iisa.”
“Huwag na,” sabi ni Magbangal, “Nais kong mag-isa, dito ka na lamang sa bahay.”
Pumayag ang babae at gumising na lamang nang maaga kinabukasan at hinanda ang almusal ng asawa. “Ayaw kong kumain ngayon,” sabi ni Magbangal, “ihanda mo na lamang pagbalik ko mamayang hapon.”
Umalis na si Magbangal, dala ang kanyang 10 palakol (hachas, axes) at bolo (mga itak), isang batong hasaan (afilador, whet stone) at kawayang pangbitbit, at umakyat sa bundok. Pumutol siya ng mga sanga ng puno (ramas, branches) upang upuan, tapos inutusan ang mga bolo, “Hasain ninyo ang mga sarili ninyo.”
Naghasa nga sa sarili ang mga bolo. Tapos, ang mga palakol naman ang inutusan ni Magbangal, “Maghasa rin kayo sa sarili.”
Nang hasa na silang lahat, hinayag ni Magbangal ang kanilang gawain. “Kayong mga bolo, putulin ninyo ang mga talahib at sukal sa lupa at paligid ng mga puno. Kayong mga palakol, putulin ninyo ang mga puno.”
Nag-trabajo ang mga bolo at mga palakol habang nakaupo at nagmamasid si Magbangal. Hindi nagtagal, inantok siya at nakatulog. Narinig pala ng asawa niya, naghahabi (weaving) ng tapis (falda, skirt) sa bahay, ang sunud-sunod na bagsak ng mga puno. “Nag-iisa siyang umalis,” nasaisip ng asawa. “Ngayon, ang daming pumuputol ng puno. Nakatagpo siguro ng maraming kasama.”
Umakyat din sa bundok ang asawa upang tignan kung sino ang katulong ni Magbangal. Malayo pa, nakita na niyang natutulog sa isang tabi si Magbangal, at panay ang hataw ng mga bolo at palakol sa mga talahib at puno. Nuon lamang nakakita ang asawa ng mga kagamitan na nagta-trabajo nang nag-iisa.
“Aba, makapangyarihan pala si Magbangal,” bulong ng asawa sa sarili, “Hindi sinabi sa akin na may taglay siyang hiwaga!”
Biglang umigtad si Magbangal, sinunggaban ang isang bolo at, alipungatan pa, tinaga at pinutol ang sariling bisig. Saka lamang lubusang nagising si Magbangal.
“Ay,” palatak niya sa sarili, “may sumisilip sa akin, kaya putol ang isang bisig ko!”
Luminga-linga si Magbangal hanggang nakita ang asawa, nagkukubli sa likod ng isang puno, at nabatid niya kung bakit putol ang kanyang bisig. Kaya nang pauwi na silang magkasama, hinayag ni Magbangal sa asawa, “Ngayon, pupunta na ako sa langit. Mas mainam na duon ko ihudyat sa mga tao ang simula ng panahon ng pagtanim. Ikaw, dapat kang pumunta sa tubig at maging isda.”
Umakyat nga sa langit si Magbangal at naging kumpol ng mga bituwin na tinatawag pang Magbangal hanggang ngayon ng mga Bukidnon. At tuwing makita nila si Magbangal sa langit, alam nilang dapat nang magtanim ng palay.
Naging Mga Bituwin Si Magbangal
July 14, 2009
Tags:
Kwentong Bayan