Sa isang gubat na madawag, may tumubong puno ng kamatsile na may malaganap na mga sanga. Sa tabi nito'y may nagsitubong iba't ibang mga punong may magagada't mababangong bulaklak na nakakahalina sa mga naglalakbay. Ang kamatsile lamang ang tanging walang bulaklak na maipagmalaki, nguni't maganda naman ang pagkakahubog ng kanyang malalago at malalabay na mga sanga. Subali't di man ito makatawag-pansin sa mga manlalakbay at di man siya tapunan ng bahagyang tanaw at ito ang ipinagmimighating malabis ng abang puno ng kamatsile.
Isang araw, malakas na naibulalas ng kamatsile ang kanyang hinanakit. "Naku! Anong pagkalungkot-lungkot na buhay itong akin. Kung ako ba'y nagtataglay ng bulaklak na katulad ng mga katabi kong puno, sana'y makagagayuma rin ako sa mga taong dito'y nagsisipagdaan."
Ang ganyan niyang himutok ay umabot sa pagdinig ng cadena de amor na gumagapang sa kanyang paanan. Kaya't ang daing ng kamatsile ay kanyang sinagot. "Madaling lutasin iyan, kung nais mong magkaroon ng bulaklak na kaakit-akit ay tulutanmong ako'y mangunyapit sa iyong mga sanga."
Ang kamatsile ay sumang-ayon sa magandang mungkahi ng cadena de amor. Di naglipat araw at ang dating nag-iisang puno ng kamatsile ay nag-uumugong sa mga bubuyog na sa kanya'y laging nag-kukumpol-kumpol. Ang mga tao naman ay di siya iniiwan ng tingin.
Nguni't pagkalipas ng ilang linggo ay di na makatagal sa sukal na sa kanyang sanga ay nakabalot. Kaya't sa cadena de amor, siya'y di makatiis na di magpahayag ng kanyang dinaramdam. "Oo ngat ako'y hinahangaan ng maraming tao, di ko naman malanghap ngayon ang mabangong simoy ng hangin, di ko man lamang masilayan ang mga baging na iyong ibinalabal sa akin.
"Subali't ano mang pagsusumamo ng abang puno ng kamatsile ay nawalan ng saysay sa lubos na nasisiyahang cadena de amor. Nguni't sa malaking habag ng Maykapal ay pinagkalooban din siya ng pananggalang sa cadena de amor. Ang tinik na magpahanggang sa ngayon ay nagmamalasakit sa kanya.
Alamat ng Kamatsile
October 01, 2009
Tags:
Alamat