Noong unang panahon ay may isang bayan na kalapit ng iasng mataas na bundok at halos naliligiran ng malapulong gubat. Ang mga mamamayan ditto ay tahimik at maligaya sa kanilang pamumuhay. Ang malawak na bukirin at mayabong na punong-kahoy ay nagbibigay ng masaganang ani na siyang ikinabubuhay ng bawat taong naninirahan doon.
Ngunit sa lahat ang pinagmamalaki ng mamamayan ay ang kanilang gintong kampana na nakasabit sa simboryo ng simbahan. Ang pinagmulan nito ay matagal ng nalimutan. Ayon sa mga kanunu-nunuan nila ang kampanang iyon ay nagisnan na nila at kanila ngang ginagalang. Dito ay may napapaloob na hiwaga at ang paniwala'y doon nanggagaling ang biyayang tinatamasa nila sa buhay. Ang batingaw na iyon ay napakaganda ang hubog, malakas, at buo ang tunog. Kung tumutunog ay kinaririrnggan ng napakagandang tinig ng bawat taong makarinigay sapilitang lumuluhod at taimtim na nagpapasalamat sa Maykapal dahil sa mga biyaya nilang tinatanggap.Talagang napakalaki ng pagsamba at paggalang ng mga tao sa kanilang batingaw.
Maraming sa tao sa malalayong bayan ang nakaalam sa kahalagahan ng kampanang ito. Hindi lamang kakaunti ang nagkaroon ng masamang nasa na makamtan ang nasabing batingaw. Higit sa lahat na may nais ay ang mga tulisang naninirahan sa gubat. Balak nilang tunawin ito kapagka nakuha nila.
Isang araw, ang buong bayan ay nagimbal sa sigaw na: "Tulisan, tulisan ang mga tulisan ay dumarating!" Di nag-aksaya ng panahon ang pari at ang dalawang sakristan, biglang ibinababa ang kampana't itinago. Nang dumating ang mga tulisan wala na ang batingaw. Ang pari at mga sakristan ay pingsasaktan ng mga tulisan at pilit na pinalabas sa kanila ang batingaw. Datapwa't hindi nagtapat ang mga ito hanggang sa pagkamuhi ng mga tulisan ay pinagpuputlan sila ng liig. Nagbalik ang mga tulisan sa gubat na hindi nakamtan ang pakay nila.
Ang bayan ay nagulo. Lahat ng tao'y nalungkot pagka't ang pinakamamahal nilang batingaw ay di nila makita sapagka't ang nakaalam lamang ng pinagtaguan nito ay ang tatlong pinatay ng tulisan. Lahat ng mamamayan - bata, matanda, mayaman, mahirap ay para-parang nangagsipaghanap. Nguni't hindi rin nila matagpuan. Lumipas ang maraming araw at ang batinagw ay patuloy ng naglaho. Sa hinaba-haba ng panahon ang mga tao ay nakalimot na sa kanilang banal na gawain. Wala ng pumupunta sa simbahan upang magdasal. Ang mga bukid ay naiwan ding tiwangwang. Lagi na lamang may gulo sa bayan. Anupa't ang bayan ay nababalot ng kalungkutan.
Isang umaga, may maraming taon na nakalilipas ang mga taong nagdaraan sa may simbahan ay nakakita ng isang punung-kahoy sa tabi ng kumbento na hitik na hitik sa bungang-kaiba sa mga bungang kahoy. Ang mga bunga ay kakaiba ang hugis, at hugis kampana. Nagkagulo ang mga tao sa paligid ng puno at sila ay nagtaka kung saan nanggaling ang punong yaon na bukod sa hugis kampana ay mamula-mula pa na anaki'y ginto. Isang matandang lalaki ang pumagitna sa mga taong nangaroroon at nagsalita ng, "Habang ako'y natutulog, tila nakarinig ako ng isang tinig na nag-uutos na hukayin ko ang ilalim ng isang puno sa tabi ng kumbento. Ngunit ito'y di ko pansin sa pag-aakala ko na isang panaginip lamang."
Madaling ginawa ng mga tao ang sinabi ng matanda. Laki ng katuwaan nila nang matagpuan ang batingaw sa ilalim ng ugat ng nasabing puno. Ang lahat ng mga tao ay nagtungo sa simbahan at nagpasalamat sa Diyos sa pagkakabalik ng kanilang kampana. Makailang sandali ang magagandang tunog ng kampana ay narinig na. Ito ay nagbigay ng kasiyahan at katahimikan sa puso ng mga tao habang sila ay tamtim na nananalangin.
Ang mahiwagang puno naman ay patuloy ng pagbubunga at nang lumaon ay napag-alamang iyon ay kinakain. Ang mga bata'y nangatutuwa sa hugis ng bunga nito, kawangki ng kopa. Pagkalipas ng ilang araw ang bunga ay tinaguriang "Makopa".
Alamat ng Makopa
October 01, 2009
Tags:
Alamat