Wikang Pambansa
mula kay Manuel L. Quezon
Hindi ko nais na Kastila o Ingles ang maging wika ng Pamahalaan. Kailangan magkaroon ng sariling wika ang Pilipinas, isang wikang nakabatay sa isa sa mga katutubong wika.
Nagmula ang karamihan ng mga suliranin o pagkukulang na kasalukuyang nararanasan dito sa kawalan ng ating sariling wikang pambansa. Ang pagnanais gayahin ang lahat ng kilos banyaga kahit hindi alam kung ito’y mabuti o masama ay dahil sa isang kahinaan—ang kakulangan ng isang tunay na pambansang kamalayan. Hindi maaring magkaroon ng pambansang kamalayan kung saan walang wikang ginagamit ng lahat.
Naunawaan ko lamang kung gaano kahirap ang kakulangan ng wikang pambansa noong naging Pangulo ako. Ako ang Pangulo ng Pilipinas; ako ang kumakatawan sa bayang Pilipinas at sa mga Pilipino. Ngunit kapag ako’y naglalakbay sa mga lalawigan at kinakausap ang aking mga kapwa mamamayan, kailangan ko ng tagapagsalin. Nakakahiya, hindi ba?
Sang-ayon ako sa patuloy na pagtuturo sa Ingles sa mga paaralan at itataguyod ko rin ang pagpapatuloy ng Kastila. Subalit dumating na ang panahon upang magkaroon tayo ng isang wikang pambansa. Ang suliranin ay gusto ng mga Ilokano na Ilokano ang wikang pambansa; ang mga Tagalog, Tagalog; ang mga Bisaya, Bisaya.
Ako ay Tagalog. Kung sasabihin ng mga dalubhasa sa iba’t-ibang wikang Pilipino na Mangyan ang katutubong wikang pinakamainam gamitin, Mangyan ang tatangkilikin ko higit sa ibang wika. Tagalog ang ginagamit namin sa pamilya. Pero handa akong mag-aral ng Ilokano, Bisaya o anupamang ibang katutubong wika para lamang magkaroon tayo ng wikang ginagamit ng lahat.
Talumpati:Wikang Pambansa
November 24, 2011
Tags:
Talumpati