NUONG kauna-unahang panahon, may isang nilalang na napaka-laki, hindi maaaring ihambing sa kahit anuman. Ang ngalan niya ay Melu. Ang mga ipin niya ay lantay na ginto, at ang bahay niya ay mga ulap. Kapag umupo siya, natatakpan ang buong langit. Ang linis-linis niya, lagi na lamang naghihilod sa katawan kaya naging lubusang puti ang kanyang balat. Ang libag - ang patay na balat na nahilod mula sa katawan - ay inipon niya sa isang tabi.
Pagtagal, sa laki ng katawan, napaka-laking tumpok ng libag ang naipon at medyo nainis si Melu. Pinag-isipan niya kung ano ang maiging gawin sa libag. Sa wakas, ipinasiya niyang gamitin ito sa paglikha ng daigdig. Maingat at matagal niyang hinugis ang libag at pagkatapos, natuwa siya sa kanyang nilikha. Habang pinapanuod niya ang kanyang nagawa, naisipan niyang lumikha rin ng 2 nilalang na tulad niya, mas maliit nga lamang, upang tumao sa bagong likhang daigdig.
Kinuha niya ang natirang libag at hinugis ang 2 tao. Tapos na sana ang paglikha maliban sa mga
ilong nang biglang sumulpot si Tau Tana, ang nilalang mula sa ilalim ng lupa, at nagkusa na tutulong daw. Gustong sarilinin ni Melu ang paglikha ng tao kaya matagal silang nagtalo, subalit mapilit si Tau Tana. Pumayag na rin si Melu kaya si Tau Tana ang gumawa ng ilong ng tao na ikinabit niyang nakabukas sa itaas.
Magkatulong hinagupit nina Melu at Tau Tana ang mga bagong likhang tao hanggang gumalaw ang mga ito ang nagsimulang mabuhay. Umuwi na sa ulap si Melu, at si Tau Tana sa ilalim ng lupa.
Mahusay ang lagay ng lahat hanggang, isang araw, nang umulan nang malakas. Muntik nang malunod ang mga bagong likhang tao dahil tumagas ang ulan at pumasok sa kanilang mga ilong. But na lamang, nakita agad ni Melu ang nangyayari. Mabilis siyang lumapag mula sa ulap at inikot ang mga ilong para nasa ibaba ang butas.
Laking pasalamant ng mga tao, at nangako silang susunod sa anumang iutos ni Melu. Sabi ni Melu, napansin niyang malungkot ang mga tao. Inutos niyang ipunin nila lahat ng buhok at libag nila.
“Sa susunod na balik ko,” pangako ni Melu, “gagamitin ko upang lumikha ng iba pang tao na makakasama ninyo!” Sa ganitong paraan dumami ang mga tao sa daigdig.
Alamat ng Pinagmulan Ng Daigdig
July 14, 2009
Tags:
Alamat