APAT lamang ang mga nilalang nuong pasimula - sina Melu, Fiyuwey, Diwata at Sawey - at nakatira sila sa isang pulo na kasing liit lamang ng salakot. Walang anumang tumutubo duon, maging puno o damo, at ang tanging buhay na kasama nila ay isang ibon, si Buswit.
Isang araw, inutusan nila ang ibon na lumipad sa dagat at humanap ng anumang makikita niya. Pagbalik ni Buswit, may dala siyang lupa, isang piraso ng yantok (rattan), at ilang bungang kahoy (frutas). Si Melu ang pinaka-malakas sa kanila, at kinuha niya ang lupa at hinugis ng patpat, tulad ng paghugis sa palayok ng mga babae ngayon, hanggang itoy ay maging bilog na daigdig. Pagkatapos, itinanim niya duon ang yantok at ang mga buto (semillas, seeds) ng bungang kahoy. Tumubo ang mga ito at hindi nagtagal, natakpan ang daigdig ng mga yantok at mga puno ng sari-saring bungang kahoy.
Masayang pinanuod ng 4 nilalang ang pagtubo at pagbubunga ng mga tanim subalit pagtagal, sinabi ni Melu, “Ano ang katuturan nitong daigdig at lahat nitong yantok at bungang kahoy kung walang tao?”
“Gamitin natin ang pagkit” (cera, wax), sabi ng ibang nilalang, “at gumawa tayo ng mga tao!”
Matagal silang nagpagod sa paghugis ng mga tao mula sa pagkit, subalit nang ilapit nila sa apoy upang patigasin, natunaw sa halip ang kanilang mga likha. Nuon nila natuklas na hindi maaaring gumawa ng tao mula sa pagkit. Sunod nilang sinubok ang lumikha ng tao mula sa lupa. Isa sa mga kasama ni Melu ang gumawa ng mga ilong na idinikit niya sa mukha nang baligtad - nasa itaas ang butas.
“Malulunod ang mga tao kapag ganyan,” sabi ni Melu subalit ayaw ibahin ng kasama ang ginawa. Hinintay ni Melu na malingat ang kasama bago niya inikot isa-isa ang mga ilong hanggang natapos niya lahat. Subalit sa pagmamadali niya, napiyot ni Melu ang malambot na lupa, kaya makitid ang punong dulo ng bawat ilong ng tao hanggang ngayon.
Ang Pinagmulan Ng Daigdig
July 14, 2009
Tags:
Kwentong Bayan