SA ISANG munting kubo sa labas ng nayon nakatira ang isang balong babae (viuda, widow) at ang kanyang kaisa-isang anak, isang binata. Masaya sila kapwa sa kanilang buhay. Mabait sa ina ang binata, at naghahanap-buhay sa pagka-kaingin ng palay sa gilid ng bundok. Nanghuhuli din sila duon ng mga baboy damo.
Isang gabi, nang kaunti na lamang ang kanilang imbak ng tapa ng baboy damo, nagpa-alam ang anak: “Inay, mangangahoy ako ng baboy damo bukas ng umaga. Maaari po bang ipag-saing ninyo ako bago sumikat ang araw bukas?”
Gumising nga ng maaga ang ina at nagsaing ng kanin. Bago-bago lamang sumisikat ang araw nang lumabas ang anak upang mamundok, dala ang kanyang sibat at kasama ang kanyang aso. Malayo na ang nayon nang marating at pasukin niya ang gubat. Matagal siyang naglakad sa dilim at sukal, naghahanap ng baboy damo subalit wala siyang namataan kahit anong hayop.
Napilitan siyang tumigil at magpahinga nuong tanghaling tapat nang mataas na ang araw. Umupo siya sa isang malaking tipak ng bato, binuksan ang dalang sisidlan at nagsimulang magbalot ng nga-nga.
[ Ang sisidlan na karaniwang dala-dala ng mga Pilipino ay gawa sa tanso (latón, brass) o iba pang kasangkapan at may 3 lalagyan, tig-isa para sa bunga (betel nut ), dahon (betel leaf ) at apog (lime). Binabalot sa dahon ang mga ito para ma-nguya nang ma-nguya... -- Mabel Cook Cole ]
Malalim siyang nag-iisip kung bakit bigung-bigo ang kanyang lakad nang biglang kumahol ang kanyang aso. Sumikad patayo ang binata sabay sa subo ng nga-nga at kumaripas sa aso. Nakita niyang sukol ng aso ang isang malaki at matabang baboy damo, itim ang buong katawan at puti ang 4 paa.
Inasinta niyang maigi subalit bago niya maihagis ang sibat, mabilis na tumakas
ang baboy damo. Hindi inaasahan, sa halip na sumugod pababa patungo sa ilog na karaniwang gawi ng mga hayop, tumakbo ito paakyat sa bundok. Humabol ang binata, sunod sa kanyang aso, kapwa nahirapan sapagkat matarik at masukal ang bundok.
Limang ulit pang tumigil ang baboy damo at inasinta ng sibat ng lalaki, subalit 5 ulit biglang umiwas ang hayop at muling tumakbo. Sa ika-7 ulit, tumigil ang baboy damo sa ibabaw ng malapad na bato at naasinta at nasibat agad ng binata. Pumutol siya ng yantok (caña, rattan) mula sa tabi-tabi at itinali ang 4 paa ng hayop. Tapos, pinasan na niya ang baboy damo at uuwi na sana nang nagulat siya. Biglang bumukas ang malapad na bato at lumabas ang isang lalaki!
“Bakit mo pinatay ang baboy ng aking panginuon?” tanong ng lalaki.
“Hindi ko po alam na may nag-aari pala dito sa baboy,” bulalas ng gulintang na binata. “Nangangahoy lamang ako, na madalas ko nang ginagawa, nang masukol ng aso ko ang baboy, at nagtulong kaming hulihin ito!”
“Sumunod ka sa akin at kausapin mo ang panginuon ko,” utos ng lalaki.
Kasunod sa lalaki, pumasok sa malapad na bato ang binata at nahantong sila sa isang malaking silid (cuarto, room). Ang kisami (techo, ceiling) at sahig (suelo, floor) ay natatakpan ng kakaibang tela (cloth) na may malalapad na guhit (rayas, stripes), 7 kulay pula (rojo, red) at 7 dilaw (amarillo, yellow), salit-salit (alternating).
Nang lumitaw ang panginuon, ang damit (ropa, clothes) niya at putong (tocado, headdress) sa ulo ay may tig-7 ring kulay na malalapad na guhit. Inutusan niya ang lalaki na kumuha ng nga-nga at silang dalawa ng binata ay ngumuya. Sunod, nagpakuha ang panginuon ng tuba (vino de cocotero, palm wine) at dumating ang isang napaka-laking banga (tinaja, jar) na sa silong lamang nagkasiya. Gayon man, napaka-taas ng bunganga ng banga kaya binigyan pa ng tuntungan upang maabot ng binata. Gamit ang kawayang sipsipan (pajita de caña, bamboo straw), uminom ang panginuon at binata ng tig-7 tabo (vasos, cups) ng tuba. Pagkatapos, silang dalawa ay kumain ng kanin at isda. Saka sila nag-usap.
Hindi niya sinisisi (culpa, blame) ang binata sa pagpatay sa baboy damo, sabi ng panginuon, bagkus nais niyang maging magkaibigan sila, mistulang “magkapatid.” Pumayag ang binata at 7 araw siyang nanatili duon bago nagpa-alam sa panginuon na dapat na siyang umuwi sapagkat mag-aalaala ang kanyang ina.
Maagang-maaga kinabukasan, umalis sa mahiwagang “bahay” ang binata at masiglang lumakad pauwi. Pagtagal, uminit ang araw at bumagal ang kanyang tahak hanggang nuong tanghaling tapat (mediodia, high noon), napaupo
siya sa isang bato upang magpahinga. Inaantok, bigla siyang nagising nang pagtingala niya, nakita niyang nakapaligid sa kanya ang 7 mandirigma (guerreros, warriors), hawak ang mga sandata (armas, weapons) - sibat (lancia, spear), kampilan (espada, sword ) at kalasag (escudo, shield ). Magka-kaiba ang kulay ng damit ng bawat isa, at ang kulay ng damit ay siyang kulay ng kanilang mga mata.
“Saan ka papunta?” tanong ng pinunong mandirigma, pula ang suot, at pula rin ang kulay ng mga mata.
“Pauwi ako sa aking ina,” sagot ng binata. Sinabi niyang matagal na siyang nawala at malamang hinahanap na siya ng magulang. “Ako naman ang magtatanong ngayon: Saan kayo papunta at mukhang handa kayong makipag-digmaan?”
“Mandirigma kami!” sagot ng mandirigmang pula, “at lumilibot kami upang patayin sinumang masalubong namin. Ngayon, ikaw ang papatayin namin!”
Nabigla ang binata sa kataka-takang tangka. Makiki-usap pa siya sana at mangangatwiran (disputar, argue) subalit may narinig siyang bulong sa tabi: “Lumaban ka at talagang papatayin ka nila!”
Lumingon siya sa pinagmulan ng bulong at nakita ang sarili niyang sibat, kampilan at kalasag. Naalaala niyang iniwan niya sa bahay ang kampilan at kalasag, kaya natanto niyang isang diwata (espiritu, god ) ang bumulong sa kanya. Sinunggaban niya ang mga sandata at sinagupa ang 7 mandirigma!
Tatlong araw at 3 gabi silang nagbakbakan! Nuon lamang nakaharap ang 7 mandirigma ng kalaban na kasing-bangis ng binata, hindi nila natalo kahit tulung-tulong sila. Nuong ika-4 araw, tinamaan ang mandirigmang pula at namatay. Sunud-sunod, napatay ng binata isa-isa ang iba pang mandirigma. Pagkaraan ng matagal at madugong hamok, mistulang ulol (loco, crazy) ang binata at hindi na napahinahon ang sarili. Hindi na siya nagtangkang umuwi. Sa halip, lumibot din siya upang patayin sinumang matagpuan niya, tulad ng 7 mandirigma na tinalo at pinatay niya. Sa kanyang mapusok na paglakbay, dumating siya isang araw sa bahay ng isang dambuhala ( gigante, giant).
“Sino man ang nakatira sa bahay na ito!” sigaw ng binata. “Lumabas kayo at makipag-patayan sa akin!”
Hindi alam ng binata, ang bahay ay punung-puno na ng mga bangkay ng mga mandirigma na tinalo at pinatay ng dambuhala. Nang narinig ng halimaw ang sigaw ng binata, nagsiklab ang kanyang puot. Sinunggaban niya ang kanyang kalasag at sibat na kasing laki ng isang punong kahoy. Ayaw niyang mag-aksaya ng panahon gamitin ang inuka-ukang punong kahoy na hagdan (escalera, ladder) upang bumaba, kaya tumalon na siya tuluy-tuloy sa lupa.
“Nasaan ang pangahas na makikipag-patayan?” Luminga-linga ang dambuhala hanggang namataan ang binata. “Ikaw lamang ba? Isang langaw ka lamang!”
Sa halip na sumagot, sinugod siya ng binata at 3 araw at 3 gabi silang
naghamok nang walang tigil hanggang bumagsak ang dambuhala, wakwak ang baywang (cintura, waist). Sinunog ng binata ang bahay ng dambuhala at lumibot uli upang humanap ng iba pang papatayin, subalit narinig niya uli ang bulong ng diwata: “Umuwi ka na at ang iyong ina ay balisang balisa sa iyong pagkawala.”
Nagsiklab ang luob ng binata at sumugod subalit wala siyang nakitang kalaban. Pina-antok siya ng diwata at nakatulog ang binata. Pag gising niya, wala na ang pagka-ulol niya at mahinahon na siya. Binulungan siya uli ng diwata:
“Ang 7 mandirigma na pinatay mo ay inutusang patayin ka ng panginuon ng malapad na bato sapagkat tinignan niya ang palad mo at nakita niyang mapapangasawa mo ang ulilang babae na gusto niyang mapangasawa. Subalit nagwagi ka, at patay na ang iyong mga kaaway. Umuwi ka na at maghanda ka ng maraming tuba dahil bubuhayin ko uli ang mga kaaway mo at kayong lahat ay mabubuhay nang mapayapa.”
Tuwang tuwa ang ina nang dumating ang anak na binata, na akala niya ay matagal nang patay. Lahat ng tao sa nayon ay dumating upang batiin ang binata at itanong kung ano ang nangyari. Pagkatapos ilahad ng binata ang kanyang karanasan at bilin ng diwata, humangos ang mga tao at nagdala ng maraming tuba sa bahay ng ina. Nuong gabing iyon, dumalo at nagdiwang ang lahat. Pati ang diwata ay dumalo, kasama ang panginuon ng malapad na bato, ang 7 mandirigma at ang dambuhala. Ang ulilang babae ay napangasawa ng binata, at ibang maganda ring babae ang napangasawa ng panginuon ng malapad na bato.
Ang Ulirang Anak, 7 Mandirigma At Ang Dambuhala
July 14, 2009
Tags:
Kwentong Bayan