NUONG napaka-tagal nang panahon, ang mga Tinguian ay hindi marunong magtanim o mag-ani tulad ng gawa nila ngayon. Ang pagkain lamang nila nuon ay anumang tanim na tumubo ng ligaw sa gubat, at mga isda sa ilog. Hindi rin nila alam kung paano gamutin ang mga maysakit o sinaktan ng mga masamang espiritu, kaya marami ang namatay nang hindi naman dapat sana.
Natanaw ito ni Kadaklan, ang dakilang diwa (espiritu, god ), mula sa kanyang tahanan sa langit. Nakita niyang naghihirap ang mga tao, nagugutom at nagkaka-sakit, kaya pinababa niya mula sa langit ang isa niyang katulong, si Kaboniyan, upang turuan ang mga tao sa lupa ng maraming bagay na dapat nilang malaman.
Samantala, sa lupa, may isang babae sa Kaalang na 7 taon nang may sakit, si Dayapan. Isang araw, nagpunta siya sa ilog upang maligo. Natagpuan siya duon ni Kaboniyan, may bitbit na palay (rice) at tubong matamis (sugar cane). Upang hindi masindak si Dayapan, hindi siya nagpakita at sa halip, pumasok siya sa isipan ng babae.
“Dayapan,” bulong ni Kaboniyan sa isip ni Dayapan, “kunin mo ang mga ito at itanim mo sa iyong bakuran. Pagtagal, tutubo ang mga ito at maaari mong anihin. Kapag hinog na ang mga ito, magtayo ka ng kamalig na imbakan ng palay, at ng isang pigaan ng katas ng tubong matamis. Pagkatapos, magdiwang ka ng panawagang Sayung at gagaling ang iyong sakit.”
Namangha si Dayapan sa lahat ng ito na biglang pumasok sa kanyang isip, subalit pinulot niya ang palay at tubong matamis at inuwi sa bahay tulad ng “narinig” niya. Sa kanyang bakuran, sinubukan niyang magtanim. Pumasok uli sa kanya si Kaboniyan at itinuro kung paano ang dapat pagtanim sa mga ito. Mula nuon, ang mga itinurong paraan ang ginamit ng mga Tinguian pagtanim sa kanilang palay at tubong matamis. At dahil sinunod nila ang mga bilin ni Dayapan, ayon sa mga turo ni Kaboniyan, lagi na silang maraming pagkain.
Pagkatapos anihin (cosechar, harvest) ni Dayapan ang kauna-unahang palay at tubong matamis, nanawagan siya sa isang Sayung. Nagbalik uli sa kanyang isipan si Kaboniyan at itinuro ang mga dapat niyang gawin. Sinunod lahat ni Dayapan at gumaling nga ang kanyang sakit. Sinunod din niya ang huling habilin ni Kaboniyan: Upang ipakita na talagang magaling na siya, magsama siya ng isang aso ( perro, dog) at isang tandang na manok ( gallo, cock) at maligo sa ilog.
Sa pampang, itinali niyang magkatabi ang aso at ang tandang. Habang naliligo siya, pinatay at kinain ng aso ang tandang. Umiyak si Dayapan nang nakita ang nangyari. Matagal siyang lumuha habang hinihintay si Kaboniyan. Sa wakas, bumalik ang diwata at ibinulong sa kanyang isip:
“Kung hindi kinain ng aso ang tandang, lahat sana ng maysakit ay mabubuhay tuwing magpanawagan ng Sayung. Subalit ang nangyari ay pahiwatig na ang iba ay gagaling, samantalang ang iba ay mamamatay.”
Tinipon ni Dayapan lahat ng tao at isiniwalat lahat ng kanyang “narinig.” Naniwala ang mga tao dahil nakita nilang magaling na ang matagal na sakit ni Dayapan. Mula nuon, sinunod niya ang mga sinabi ni Dayapan tungkol sa pagtanim at pag-ani ng palay at tubong matamis. At tuwing may nagkasakit sa kanila, tinawag nila si Dayapan upang mag-Suyong. At gaya ng “pahiwatig,” ang ibang maysakit ay gumaling at ang iba naman ay namatay.
Biyaya Ni Kadaklan Sa Mga Tao
July 14, 2009
Tags:
Kwentong Bayan