Noong unang panahon wala pang tinatawag na bansang Pilipinas. Mayroon lamang na maliliit na pulo. noong hindi pa rin ito bahagi ng mundo, may nakatira ritong isang higante. Ang kuweba niya ay nasa kalagitnaan ng Dagat Pasipiko. Kasama niyang naninirahan ang kanyang tatlong anak na babae, sina Minda, Lus at Bisaya.
Isang araw kinakailangang umalis ang amang higante upang mangaso sa kabilang pulo. Kailangang maiwan ang tatlong magkakapatid, kaya pinagsabihan niya ang tatlo.
Huwag kayong lalabas ng ating kuweba, ang bilin ng ama. Diyan lamang kayo sa loob dahil may mga panganib sa paligid. Hintayin ninyo ako sa loob ng kuweba.
Opo, Ama, sagot ng tatlong dalagita.
Nang makaalis na ang amang higante, naglinis ng kanilang kuweba ang magkakapatid. Inayos nila itong mabuti upang masiyahan ang kanilang ama. Subalit hindi nila katulong sa paggawa si Minda. Hindi masunurin ito sa ama. Lumabas pala si Minda at namasyal sa may dagat. Hindi man lamang nagsabi sa mga kapatid.
Tuwang-tuwa si Mindang naglalaro ng mga along nanggagaling sa gitna ng dagat. Namasyal siya at hindi niya napansin na malayo na pala siya sa tabi ng dagat. Habang siya ay naglalakad, isang malaking malaking alon na masasabing dambuhala ang lumamon kay Minda. Nagsisisigaw siya habang tinatangay ng alon sa gitna ng dagat.
Tulungan ninyo ako! sigaw ni Minda. Narinig nina Lus at Bisaya ang sigaw ni Minda. Abot ang sigaw sa kuweba. Tumigil ang paggawa ng dalawa.
Si Minda, humihingi ng tulong! sabi ni Lus na nanlalaki ang mga mata sa pagkagulat.
Oo nga. Halika na! yaya ni Bisaya. Bakit kaya?
Mabilis na tumakbo sila sa may dagat. Tingin dito, tingin doon. Nakita nilang sisinghap-singhap sa tubig ang kapatid.
Hayun sa malayo! sigaw sabay turo ni Lus.
Hindi marunong lumangoy si Minda, a, sabi ni Bisaya. At tumakbo na naman ang dalawa. Umiyak na si Lus.
Bahala na! sagot ni Bisaya.
Mabilis nilang nilusong si Minda. Malalim pala doon. Inabot nila ang kamay nila sa kapatid. Naku, pati sila ay nadala ng dambuhalang alon. Kawag, sipa, taas ng kamay, iyak, sigaw at walang tigil na kawag. At sa kasamaang palad ang tatlong anak na babae ng higante ay hindi na nakaahon.
Nang dumating ang higante nagtataka siya kung bakit walang sumalubong sa kanya. Dati-rati ay nakasigaw sa tuwa ang tatlo niyang anak kung dumating siya. Wala ang tatlo sa kuweba. Ni isa ay wala roon.
Saan kaya nagtungo ang tatlo kong anak? tanong niya sa sarili. Saan kaya? Lus, Bisaya, Minda!
Walang sagot! Hinanap niya sa paligid. Wala roon. Pinuntahan niya ang ilang malapit na pulo. Ni anino, wala.
Baka kaya may pumuntang ibang tao at dinala silang pilit? sabi ng higante sa sarili.
Biglang umalon ulit nang malakas at dumagundong. Napalingon ang ama. At nabuo sa isip niya na baka nalunod ang tatlo. Dumako pa siya sa malayo. At hindi nagkamali ang ama. Nakita niya ang labi ng ilang piraso ng damit na nakasabit sa isang bato. Para tuloy niyang nakita ang tatlong kamay na nakataas at humihingi ng saklolo. Naalala niyang bigla na hindi niya pinayagang lumabas ang mga ito. Ni hindi sila natutong lumangoy. Tumalon sa dagat ang higante. Sa isip lamang pala niya ang larawan ng tatlong kamay na nakataas. Nawalan siya ng lakas.
Mga anak! Ano pa? Wala na! himutok ng ama. Nawalan na ng ganang kumain. Tumayo. Umupo. Tumingin sa malayo. Isa-isang hinagod ng tingin ang bawat munting bato at kahoy sa malayo. At sa pagod at hapis napahilig sa isang bato at tuluyang natulog. Mahabang pagkatulog ang nagawa ng kawawang higante.
Nang magising ang higante kinusot ang mata. May nakita siyang wala doon dati. Tumayong bigla at tiningnang mabuti.
Ano ito? saan galing ang tatlong pulong ito? Sila kaya ang tatlong ito? tanong sa sarili. Lalong lungkot ang naramdaman ng amang ulila.
Ang tatlong pulong ito! Sina Lus, Bisaya at Minda ito! ang sabi niyang malakas.
At buhat noon tinawag na Luson, Bisaya at Mindanaw ang tatlong pulo. Dito nagmula ang bansang Pilipinas. Nasa gawing timog sa Asya. Bahagi ito ng Pilipinas sa katimugang bahagi ng Asya.
Araling Moral: Gampanan ang tungkulin sa kapatid. Sumunod sa nakatatanda o magulang. Ito ang hinihingi ng kalakaran sa lipunan.