Alamat ni Daragang Magayon (Magandang Dalaga)
January 18, 2018
Tags:
Alamat
Noong unang panahon, may isang babaeng nagngangalang Daragang Magayon. Maraming kalalakihan ang nanliligaw sa nasabing dalaga sapagkat siya ay maganda at may makinis na kutis. Ayon sa ama ni Magayon na si Rajah Makusog nasa tamang edad na ang dalaga upang magpakasal kung kaya't pinapayagan na niya ito kung sakaling magpasya ang dalaga na makipag-isang dibdib. Ngunit si Magayon ay wala pang napipili mula sa kanyang mga manliligaw. Magpapakasal lang daw siya sa taong kanyang iniirog.
Isang araw habang naliligo si Magayon sa ilog, siya ay nadulas at nahulog sa malalim na parte nito. Hindi marunong lumangoy ang dalaga. Mabuti na lamang at nakita siya ni Panganoron at iniligtas ang dalaga. Si Panganoron ay ang matapang na anak ni Rajah Karilaya. Nangangaso siya noong araw na iyon nang marinig niya ang iyak ni Magayon. Mabilis na tumalon ang matapang na mandirigma upang iligtas ang dalaga.
Nabighani si Panganoron sa ganda ni Magayon kung kaya't niligawan niya ang dalaga. Gayundin si Magayon ay napa-ibig sa matapang na lalakeng nagligtas sa kanya. Di kalaunan ay ipinahayag ang pag-iisang dibdib ng dalawa sa buong kaharian.
Subalit, si Pagtuga, isang masugid na manliligaw ni Magayon, ay naka-isip ng paraan upang hindi matuloy ang kasal. Binihag niya ang ama ni Magayon na si Rajah Makusog at hindi raw niya ito pakakawalan kundi papayag si Magayon na pakasal sa kanya. Dahil mahal ni Magayon ang kanyang ama, wala siyang magawa kundi pumayag sa kondisyon ni Pagtuga.
Nagpunta ang dalaga sa lugar ni Pagtuga upang ibigay ang sarili upang pakawalan nito ang kanyang ama. Napag-alaman ni Panganoron ang ginawa ni Magayon. Tinipon nito ang kanyang mga matatapang na mandirigma upang iligtas ang mag-ama laban kay Pagtuga.
Isang malaking digmaan ang naganap sa pagitan ng dalawang kampo. Nanaig si Panganoron laban kay Pagtuga at napatay niya ito. Noong makita ni Magayon na napatay ng kanyang kasintahan ang kalaban ay dali-dali itong tumakbo patungo kay Panganoron. Ngunit bago pa man magkalapit ang dalawa ay isang ligaw nasibat ang tumusok sa likod ni Magayon. Habang bumagsak si Magayon ay tinaga naman sa likod si Panganoron ng mandirigma ni Pagtuga. Nakita ni Rajah Makusog ang nangyari. Sinundan nito ang taong pumatay kay Panganoron at pinaslang ito.
Nang matapos ang digmaan, iniuwi ng rajah ang walang buhay na katawan nila Magayon and Panganoron. Humukay ito at inilibing na magkasama ang magkasintahan.
Ilang araw ang lumipas ng mapansin ng mga taong bayan na ang libingan ay tumaas. Lumaki ang libingan at ang lupa ay naghugis apa. Tinawag ito ng mga taong bayan ng Mayon mula sa kanilang magandang prinsesang si Magayon. Kung minsan maririnig ang Mayon na dumadagundong at lumilindol, ayon sa mga tao ito ang patunay ng pagmamahalan nila Magayon at Panganoron